Search

Thursday, September 17, 2009

ANDRES BONIFACIO


Si Andres Bonifacio ay namuno sa rebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya, ang unang rebolusyon sa Asya na lumaban sa pananakop ng mga bansang imperyalista sa Europa.
Siya ay isinilang noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tundo, Maynila. Ang kanyang magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalia de Castro. Siya ay nagsimulang mag-aral sa paaralan ni Don Guillermo Osmeña sa Melsic subalit siya'y maagang nahinto sa pag-aaral. Bagamat siya'y nahinto sa pag-aaral, marunong siyang bumasa at sumulat, at dalubhasa na rin sa pagsasalita sa wikang Kastila.
Naulila sa magulang nang maaaga sa edad na 14. Naging tindero siya ng ratan at pamaypay na gawa sa papel de japon. Nagtrabaho din siya bilang clerk, sales agent at bodegista. Hilig niyang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal at nang itinatag ang La Liga Filipina, sumapi siya kasama ni Apolinario Mabini.
Noong 1892, matapos dakpin at ipatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan o kilala rin bilang "Kataastasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan" (KKK). Sa pagtatag ng Katipunan, kinilala si Andres Bonifacio bilang "Ama ng Rebolusyon" sa Pilipinas. Sa Katipunan, "Supremo" ang kanyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan".
Sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang naganap sa Tejeros, Cavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang lumahok ay mula sa Cavite lamang. Nanalo sa pagka-pangulo si Emilio Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mababang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob.
Sinubukan ng mga miyembro ng mga Magdalo na kuwistiyunin ang kakayahan ni Andrés Bonifacio, idineklara ni Bonifacio na walang bisa ang naganap na eleksyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil. Ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kanyang mga tauhan. Iniutos kay Mariano Noriel na ibigay ang hatol sa isang selyadong sobre kay Lazaro Makapagal. Iniutos ang pagbaril kay Bonifacio kasama ang kanyang kapatid na lalaking si Procopio Bonifacio noong ika-10 ng Mayo, 1897 malapit sa Bundok Nagpatong. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang labi niya.

No comments:

Post a Comment